Ang isang rason kung bakit mahirap tanggapin ang tinutulak ng Malacañang na pagkansela ng eleksyun sa Autonomous Region for Muslim Mindanao ay ang kanilang kagustuhan mag-appoint si Pangulong Aquino ng mga officers-in-charge (OIC).
Maliban sa mag problema ang legalidad ng ganyang plano, marami na ang hindi tiwala sa kakayahan ni Pnoy na kumilatis ng mga taong ilalagay sa pamahalaan. Sa mga na-appoint ni Aquino ng pagpasok niya sa Malacañang, marami naman ang maayos kasama na doon ang sa kanyang economic team.
Ngunit ang mga na-appoint na ang pinaka-qualification ay kaibigan sila ni PNoy, super ang palpak.
Ang nasa mata ngayon ng kontrobersiya at ang nasuspindi na hepe ng Land Transportation Office na si Virginia Torres, na siyang dahilan kung bakit nag-resign si Secretary Jose “Ping” de Jesus ng Department of Transportation and Communication at apat niyang undersecretaries.
Si Torres ay barkada ni PNoy sa kanyang hilig na pagbabaril (shooting buddy). Nasangkot si Torres sa kontrobersiya ng Stradcom, ang kumpanyang nagku-computerize sa LTO.