Pasko na talaga. Simula na ng simbang gabi.
Maganda naman at buhay na buhay pa rin ang tradisyun ng simbang gabi, ang misa sa medaling araw. Paglabas mo ng simbahan, nandiyan ang puto-bumbong at bibingka.
Dito sa Manila, kape ang mainit na inumin. Three-in-one na. Sa probinsiya, salabat. Yung may kaya, tsokolate na malapot kasama ng ibos-suman at mangga. Ang sarap. Tamang-tama sa malamig na simoy ng hangin.
Ang ginagawa pa namin noon, nagsisindi ng mga naipon na basura na kadalasan ay dahon ng mga puno. Upo kami doon sa paligid ng apoy at magkwentuhan habang umiinom ng salabat o kape. Ang kape doon, kung hindi barako, kape ng bigas.