Dapat itapon sa impyerno, sa lumiliyab na apoy, ang mga kawani ng pamahalaan na sangkot sa racket na sex for flight sa Kuwait, Jordan at sa iba pang bansa sa Middle East kung saan maraming mga babaeng OFW ay nag-iistambay sa iba’t ibang dahilan.
Ibinulgar ni Akbayan Rep. Walden Bello noong Martes na sa halip na tulungan ng mga mga opisyal ng Department of Labor at ng Philippine Embassy ang mga OFW na na-stranded, ay ibinubugaw pa sa mga Arabo at ang iba, sila na mismo ang nag-momolestiya.
Pinangalanan ni Bello si Mario Antonio, labor attaché sa Jordan. Itinanggi ni Antonio ang paratang sa isang press conference dito sa Manila.
Pinapa-imbestigahan daw ng Overseas Worker Welfare Administration (OWWA) at ng Department of Foreign Affairs ang paratang ni Bello, chairman ng House Committee on Overseas Workers.
Doble o tripling trahedya itong “Sex for Flight” dahil ang mga biktima ay ang mga kababaihan na nabiktima na ng mga ilegal na recruiter o mga salbahe na amo.