Noong 2004 na eleksyun, dinaya ni Gloria Arroyo si Fernando Poe, Jr. ngunit minabuti ng mga ma-iingay na defenders daw ng demokrasya na magbulag-bulagan at magbingi-bingian dahil minamata nila si FPJ.
Pang-pelikula lang siya, walang alam sa pamamahala ng bansa, sabi ng miyembro ng “civil society” na siyang nanguna sa pagpatalsik kay Ferdinand Marcos noong 1986 at kay Joseph Estrada noong 2001.
Marami sa kanila ngayon ay kasama sa pamahalaang Aquino at nanga-ngampanya para kay Mar Roxas.
Naala-ala nyo noong canvassing ng boto sa Kongreso noong 2004 na tuwing mag-reklamo ang mga miyembro ng oposisyun na sina Sen. Aquilino “Nene” Pimentel, Jr, Tessie Aquino- Oreta at Serge Osmeña ng mga results ng eleksyun sa mga lugar sa Maguindanao na mas marami ang boto kaysa bilang ng mga rehistradong botante, ang aksyon lang ni Sen. Kiko Pangilinan, na kasama sa canvassers, ay pumukpok ng malyete sabay sabing “Noted?” Lumabas ang “Hello Garci” tapes isang taon matapos ang eleksyun at doon napatunayan ang malawakang pandaraya na ginawa ni Arroyo.