Pumanaw ang isa sa pinakamamahal na opisyal ng pamahalaan, si dating senador at health secretary Juan Flavier noong Huwebes.
Nakakatuwa ang mag-cover kay Flavier dahil sa maliban sa mabait at hindi mayabang, grabe sa galing ng kanyang sense of humor. Tawa kami ng tawa kapag ini-interview namin siya.
Bilang lider ng Philippine Rural Reconstruction Movement, maraming taon na sa mga baryo niya ginugol ang kanyang panggagamot. Ang kanyang karanasan sa pagta-trabaho sa mga baryo ay mababasa sa kanyang libro, “Doctor to the Barrios.”
Sa aking pag-cover kay Flavier ng siya ay health secretary noong administrasyon ni Pangulong Fidel V. Ramos, marami akong kuwento at insidente na buhay na buhay sa aking ala-ala. Ngunit ang isa sa palagi kong ibinabahagi sa iba ay ang kanyang kuwento ng iba’t-ibang paraan nagpapasalamat ang mga tao sa probinsiya (dinadalhan siya ng maraming gulay, manok, kambing at baboy) nang siya ay guest speaker sa Cosmopolitan Church sa Taft Avenue.