Isa ako sa hindi nakakaintindi sa milyun-milyun na Pilipino na sinusuong ang hirap at peligro para makasama at makalapit sa poong Nazareno na ginaganap tuwing ika-siyam ng Enero sa Quiapo.
Tama siguro ang sinabi ni Manila Archbishop Luis Antonio Tagle na para maintindihan, kailangan magiging ‘devotee’ ka ng Nazareno.
Ang prosisyun kahapon ay ang pinakamahaba sa buong kasaysayan ng Itim na Nazareno sa Quiapo. Biruin mo, nagsimula ng mga alas-otso ng umaga ng Lunes, Enero 9 sa Luneta pagkatapos ng misa at dumating sa Quiapo church alas-sais ng umaga ng Enero 10.
Maigsi lang ang distansya na yan. Kung lalakarin mo yan (palagi naming nilalakad ang ruta nay an nang nagra-rali kami ng panahon ni Marcos), hindi ka siguro aabutin ng isang oras.
Mga walong milyon daw ang dumalo sa prosesyun at katulad ng nangyari taon-taon, marami na naman ang nasaktan.
Ito ay sa gitna ng babala ni Pangulong Aquino mismo na may banta ang mga terorista na maghasik ng lagim habang hagang nagpu-prosisyun. Mabuti naman at walang nangyari. Alerto ang buong kapulisan at mga sangay ng gobyerno na may kinalaman sa seguridad.