Hindi lang pala mga retired na guro at mga vendors ang naloko ni Celso de los Angeles at ng kanyang Legacy Group of companies.
Ang educational plan ng 15,000 na anak ng sundalo at pulis pala ay napurnada na rin. At ang malungkot pa nito, marami sa mga sundalo ay walang kamalay-malay na wala na pala ang inaasahan nilang educational plan para sa kanilang mga anak.
Nabulgar lang ito noong isang araw ng mag-anunsyo si Fe Barin ng Securities and Exchange Commission na para raw tulong sa mga nabiktima ni de los Angeles, magpapalabas ang SEC ng pera para pambayad ng tuition ng mga planholders sa darating na pasukan. Sinabi niya ang Scholarship Plans Phils. Inc., ang isa sa mga kumpanya ni de los Angeles.