Mabuti naman at hindi pinalampas ni Cristy Ramos ang pambabastos ng dalawang miyembro ng Azkals sa kanya.
Kahit na ba magaling sila mag-football at malaki ang nagawa ng Azkals para buhayin ang laro sa bansa, hindi yun lisensya para magiging bastos sila sa kababaihan.
Si Cristy ay anak ni dating Pangulong Fidel Ramos at dati ring pangulo ng Philippine Olympic Committee. Opisyal siya ngayon ng Fédération Internationale de Football Association (FIFA) na siyang namamahala ng football sa buong mundo.
Sa kanyang reklamo na isinampa sa Asian Football Confederation, ikinuwento ni Ramos na siya ang napiling Match Commissioner sa laro ng Philippines (Azkals) at Malaysia noong Pebrero 29 sa Rizal Memorial Footbal Stadium.
Bilang Match Commissioner, trabaho ni Ramos ang i-inspeksyunin ang lahat na gamit at suot ng mga players. Sa kanilang miting, isang araw bago ang laro, sinabi ni Ramos na dahil siya ay babae sa isang laro na puro lalaki ang players, sasamahan siya ng isa pang opisyal na lalaki.