Sa Biyernes, Oktubre 8, isang daang araw na ang administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III.
Alam naman natin na maigsi naman ang isang daang araw para ayusin ang bansa lalo na sa siyam na taon na pang-aabuso at pagsalaula ni Gloria Arroyo ng mga institusyon pangdemokrasya katulad ng eleksyun at hustisya.
Ganun din sa larangan ng pang-ekonomiya. Sadlak tayo sa utang. Ang nagbubuhay sa atin ay ang padala ng ating mga kababayan sa ibang bansa. Pera na kabayaran ng kanilang dugo at pawis.
Kahit na wala namang umaasa na malutas ni PNoy ang problema ng bansa sa kanyang unang tatlong buwan, dapat nakikita na ng taumbayan ang direksyun na ating pinatutunguhan.
Pinangako ni PNoy noong kampanya na siya ay maging iba kaysa kay Arroyo. Sinabi rin niya na pananagutin niya si Arroyo sa kanyang perwisyo sa bayan.