Pumunta kami ng aking kapwa reporter na si Dana Batnag ng Jiji Press, isang Japanese news agency , sa Alabel, Sarangani noong isang Linggo dahil gumagawa kami ng report tungkol sa sa kandidatura ni Manny Pacquiao.
Pumunta kami sa palengke. Panay Pacquaio,a ng kanyang kalaban na si Rep. Roy Chiongbian at ng kanilang mga kapartido ang mga posters. Bigla kaming may nakita na malaking poster sa harap ng isang bahay na nagsasabing “Danny Lim for mayor. Ang litrato isang may kapayatan na mama.
Natawa kami dahil iba ang mukha ng Danny Lim na kilala naming na tumatakbo para senador sa tiket ng Liberal Party. Nang lumapit kami, katabi ng “Danny Lim for mayor”, mayroong sticker ng “Danny Lim for senator”.
Inikuwento sa amin ng mga kamag-anak ni Danny Lim for mayor na number one kagawad daw siya ng siyam na taon. Independent daw siya ngunit ang kanyang dinadalang congressman ay si Pacquiao na ang partido ay People’s Champ Movement at luminya sa Nacionalista Party ni Manny Villar sa nasyunal na antas.
Sabi ng kamaganak ni Kagawad Danny Lim na sina Rosa at Alberta, na tumatanaw daw sila ng utang na loob kay Pacquaio dahil tinulungan daw ng boksingero ang kanilang tiya na nangangailangan ng P200,000 para sa kidney transplant.