Takot raw si Joc-joc Bolante, dating undersecretary ng agriculture at matalik na kaibigan ni Mike Arroyo, sa New People’s Army kaya siya humihingi ngayon ng asylum sa Amerika.
Ang asylum ay binibigay ng isang bayan sa national ng ibang bansa na namimiligro ang buhay sa kanyang bansa dahil sa kalupitan ng ginagawa sa kanya.
Dapat matuwa ang NPA at epektibo pala sila sa mga taong nang-abuso ng kanilang kapangyarihan nang sila ay nasa poder. Si Bolante ay nakaharap sa imbestigasyon ng Senado tungkol sa sobra P3 bilyon na pera para sa magsasaka na kanyang ginamit para sa kampanya ni Gloria Arroyo noong 2004. Kasama doon ang P728 milyon na pambili ng abono ng mga mahirap na magsasaka.