Sa Senate hearing noong Huwebes, tinanong ni dating chief of staff ng Armed Forces of the Philippines Angelo Reyes si dating military budget officer Lt. Col. George Rabusa,”During the time that I was chief of staff, if I became greedy?” (Noong panahon na ako ang chief of staff, naging gahaman ba ako?
Ang talagang tumbok nang tanong ni Reyes ay kung siya ay naging madamot at sinusulo lang ang pera.
Sinupalpal siya ni Sen. Jinggoy Estrada: “Hindi isyu kung ikaw ay gahaman. Ang isyu ay kung ikaw ay corrupt na hepe ng Armed Forces. Anong paki-alam namin kung ikaw ay galante?”
Shocked talaga si Reyes sa paglitaw ni Rabusa na iba na ang tuno ng kinakanta. Kasama na dito si Maj. Gen. Carlos Garcia, dating military comptroller na ang kanyang ma-eskandalong plea bargain agreement sa Ombudsman, ang ini-imbistiga ng Senado at House of Representatives. Pati na rin siguro si retired Lt. Gen. Jacinto Ligot, dating military comptroller din katulad ni Garcia at Rabusa ay inakusahan ng pandarambong sa pamagitan ng paggamit ng pera na para sa mga sundalo para sa kanilang pansariling kapakanan.