Sa unang pahayag ni dating Maguindanao election supervisor Lintang Bedol tungkol sa dayaan noong 2004 at 2007 na eleksyun, bistado na kaagad ang mali ng kanyang mga detalye.
Maaring may totoo doon sa sinabi niya, ngunit mukhang hindi tama ang pagsama niya kay Comelec Commissioner Rene Sarmiento doon saan biyahe sa Gen. Santos City para mag-authenticate ng Election returns noong 2007.
Hindi natin masabi kung talagang sadya niyang guluhin ang sarili niyang pahayag o talagang sa sobrang sanay niya sa pagsisinungaling ay naghalo-halo na ang katotohanan at ang mga inimbento niya at siya mismo hindi na niya malaman kung alin ang totoo.
Ngunit kahit paano naman, may kabutihan na ring nangyari dahil ngayon gusto na ni Sen. Chiz Escudero na magkaroon ulit ng imbestigasyun ang Senado tungkol doon para malaman ng taumbayan ang buong katotohanan.