Nakita nyo ba ang litrato ni Gloria Arroyo kasama ang mga Overseas Filipino Workers na nag-eskapo sa kanilang mga malulupit na among Arabo nang siya ay dumating mula Saudi Arabia noong Huwebes?
Hindi ko alam kung ako ay maawa o maiinis.
Binigyan, siguro ng mga Labor officials, ang mga OFW ng miniature flag at kanila yun winawagayway na para bang Olympic team na na nanalo sa kompetisyun sa ibang bansa. Ano namang medalya ang kanilang dala? Luha sa kanilang malupit na karanasan?
Hilaw ang tawa ni Arroyo. Paano nang ininterbyu ng mga reporter ang mga OFW, panay pasakit ang kuwento.
Gusto ng Malacañang na palakpakan si Arroyo sa pagsagip ng mga kawawang OFW sa trahedya na kanilang napasukan.
Pwede ba, naibenta na ang ganyang gimik. Ginawa na yan ni Sen. Manny Villar at dating Pangulong Estrada.
Hindi pwedeng uubra kay Arroyo ang ganyang gimik dahil siya ang naka-upong pangulo (kahit ninakaw lang niya ang pwestong yun). Di ba programa niya ang magpadala ng mga Pilipino na sa ibang bansa bilang katulong? Mismo ang pamahalaan, ang TESDA, ang nagbibigay ng training para magiging supermaids. Kaya, ayan ang inabot ng marami nating kababaihan na OFW.