Kapag panahon ng Pasko, madalas sabihin magpapatawad at magbati tayo sa ating mga naka-away.
Medyo mahirap gawin yan kay Gloria Arroyo at sa kanyang mga kampon kasama na doon ang pamilyang Ampatuan. Paano ka naman magpapatawad kung wala ka namang nakitang pagsisisi?
Tinitingnan ko sa TV si Mayor Andal Ampatuan Jr. noong dinala siya sa Department of Justice para sa preliminary hearing at parang maluwag ang turnilyo nito. Duwag pala itong halimaw na ito. Nang hiniwalay siya sa kanyang abogado, nagmamaka-awa siyang, “Atty, huwag mo akong iwan.”
Ito ang taong walang- awang nagpatay ng 57 na taong walang kasalanan sa kanya. Hindi siya sinagi, hindi siya sinaktan. Ngunit basta lang niya pinagbabaril na parang mga manok.
Habang pinapanood ko ang interview ni Anthony Taberna kay “Abdul” ( hindi niya totoong pangalan) ang lalaking nagsabi na sampung taon pa lang siya ng kinuha siya at tinuruan ng mga Ampatuan pumatay, na-alaala ko ang “Blood Diamonds”. Di ba doon sa pelikula, hinanap nina Leonardo di Caprio at ang tatay ng bata ang kampo kung saan sinasanay ang mga bata magiging killer. Meron palang ganoong kampo sina Ampatauan sa bundok ng barangay Upi sa Maguindanao.