Habang sinasakay sa police car si Jason Ivler, ang matagal nang hinahanap na suspek sa pagpatay sa dalawang tao, sabi ng isang pulis na halatang galit, “Maraming pinerwisyo ang taong ito.”
Talaga naman. Malaking dalamhati ang idinulot ni Ivler sa pamilya ni Renato Victor Ebarle, Jr., anak ni Undersecretary Ebarle sa Office of the President na kanyang walang pakundangang binaril noong Nobyembre. Noong 2004, napatay niya si Undersecretary Nestor Ponce, presidential assistant, sa isang banggaan ng sasakyan. Hindi niya napanagutan ang kanyang kasalanan kay Pnce dahil nagtago siya.
Malaki rin ang perwisyo ang idinulot niya kay Jason Aguilar, na magtatrabaho sana sa Qatar ngunit napagkamalan ng mga awtoridad ng Qatar na si Ivler. Bahagi kasi pagtutulungan ng international police ang pagtutugis ng pugante.
Kawawa naman si Jason Aguilar na nagkautang-utang para lamang maka-punta sa Qatar para mag-trabaho. Pagdating nya doon noong isang buwan, kunulong siya dahil napagkamalan na siya si Ivler. Isang linggo siya sa kulungan.
Biruin mo makulong ka sa isang lugar na ngayon mo lang narating.Walang lang kamag-anak at hindi mo pa alam ang salita. Napaka-traumatic yun.