Lumabas itong kolum sa Abante
Enjoy ako mag-cover ng kampanya sa eleksyun. Maliban sa marami kang lugar mapupuntahan, marami kang makakatagpo na iba-ibang personalidad.
Katulad ng rally ni Bise-Presidente Jejomar Binay sa Saranggani at General Santos noong Martes. Si boxing champ, Manny Pacquiao, ang kinatawan ng Saranggani sa kongreso, ang host. Tumatakbong senador si Pacquiao sa ilalim ng tiket ng United Nationalist Alliance (UNA) na pinangungunahan ni Binay. Siyempre maraming tao.
Sa Alabel, ang pangunahing bayan ng Saranggani, dumalo si Mommy Dionisia, ang ina ni Pacquiao.
Nagpakuha ako ng litrato kasama si Mommy Dionisia kasi tagahanga niya ako. Hanga ako sa kanya kung paano niya pinalaki ang kanyang mga anak, kasama na si Manny, samantalang hiwalay siya sa asawa at hindi naman siya mayaman.
Noong gabi, pagkatapos ng rally sa General Santos, sinabi ni Manny sa mga bisita na doon sa kanyang bahay maghapunan. Sama naman ako.
Nagkita kami ulit ni Mommy Dionisia doon. Medyo relax na doon kaya nang makita kong nag-uusap sila ni Alma Moreno, tumatakbo ring senador sa ilalim ng UNA, lumapit ako. Tinanong ko si Mommy Dionisia kung bakit “blooming siya.” Katabi niya ang kayang boyfriend.
Maganda nga talaga si Mommy Dionisia ngayon. Bumata siya tingnan.
Sabi niya, “Blooming ako? Dahil kay Lord,” sabay turo sa itaas.
Sabi niya, yan ang isang bagay na hindi sila magkasundo ni Manny kasi born- again na ngayon ang boxing champ samantalang si Mommy Dionisia ay Katoliko. Sabi niya kapag nagtiwala ka kay Lord, hindi ka niya pababayaan.
Ikinuwento niya na noong pinakahuling laban ni Manny laban kay Timothy Bradley noong Abril 13, nagdasal siya ng taimtim. Hiningi niya kay Lord na pitikin niya ng kanyang tungkod ang paa ni Bradley.
“O diba, kaya tumambling si Bradley?” sabi niya.
O sino ang kokontra niyan?
Bago kami pumunta sa Alabel, pumunta rin kami sa Marawi City dahil nandun din si Binay. Gusto ko makita ang kampanya sa Muslim Mindanao. Paalis na si Binay nang dumating kami.
Ang buong siyudad ng Marawi punong-puno ng mga mukha ng mga kandidato. Lahat na gusali, poste, punong-kahoy, may mukha ng kandidato. Ang buong siyudad yata ay Comelec-designated area para sa mga posters ng mga kandidato.
Ang lider naman ni Binay sa Marawi ay ang mayor na si Fahad “Pre” Salic . na tumatakbo ngayon para gubernador.Sa mga hindi taga Marawi, si Salic ay kilala na asawa ni Alma Moreno. Hindi ako sigurado kung hanggang ngayon ay mag-asawa pa rin si Alma at si Mayor Pre.
Naghanap kami ng makaka-inan dahil gutom na kami. Sinabihan kami na sumunod sa convoy ni Mayor Pre dahil may pinahanda daw siyang tanghalian. Medyo kinabahan kami habang naka-convoy dahil kalalabas lang ni Mayor Pre sa ospital. Inambus siya noong Abril 9 sa Cagayan de Oro. Tatlong bala ang tumama sa kanya sa puwit at sa balikat samantalang ang kanyang driver naman ay tinamaan sa bunganga. Pulitika o rido ang suspetsa na motibo.
Parang bale-wala lang kay Mayor Pre nang tinatanong ko tungkol sa ambus. “Ganyan lang talaga,” sabi niya.
Sa awa ng Panginoon, maayos naman kami nakakain ng tanghalian at naka-aalis sa Marawi papuntang Saranggani kung saan ko naka-usap si Mommy Dionisia.
Eto ang masaya sa aming trabaho.
Be First to Comment