SEOUL,Korea – Nagkita kami ng ating ambassador sa Korea na si Luis T. Cruz at ilan sa kaniyang mga kasamahan sa embassy. Dumalo kasi ako dito sa seminar ng Asia-Europe Meeting (ASEM) tungkol sa relasyon ng human rights at internet.
Siyempre kuwentuhan ng kalagayan ng mga Pilipino dito sa Korea na karamihan ay nagtatrabaho sa mga factories. Ngunit ang marami din ay ang mga Pilipino na dito na talaga naninirahan. Umaabot sila ng 6,000 at marami sa kanila ay asawa ng mga Koreano.
Maraming success stories ng mga Pilipino dito sa Korea. Dalawa sa mga kuwento na yun ay sina Jessica Torralba Kang at Jasmine Lee. Parehong “J”.
Nakita ko sa Facebook ang litrato ni Jessica na pinapakita kay Ambassador Cruz ang kanyang lisensya bilang pinakaunang immigrant na nakakuha ng Insurance Agent Certification in South Korea. Nagtatrabaho si Jessica sa Samsung Fire & Marine Insurance Co., Ltd.
Nabigyan din siya ng KEB Foundation’s 4th Global Family Award sa kanyang volunteer work sa Gimhae para sa mga tinatawag na multicultural families o pamilya na hindi puro Koreano.
Si Jasmine Lee naman ay ang kauna-unahang naturalized na Korean na nahalal bilang miyembro ng Legislative Assembly. Congress kung sa atin sa Pilipinas. Pilipina siya na nakapag-asawa ng Koreano.
Balo na siya. Namatay ang kanyang asawa noong 2010 habang sinasagip ang anak na babae na nalulunod sa baha.
Tinagurian si Jasmine na “mukha ng multiculturalism.”
Malaking bagay para sa mga dayuhan dito ang magkaroon ng papel dahil hindi masyadong bukas sa mga dayuhan ang kultura ng Koreano. Sobra ang paghanga nila sa kanilang bayan at kultura.
Ibang-iba kaysa ugali nating mga Pilipino na mas bilib tayo sa dayuhan kaysa sarili natin.
Kaya makikita natin sa Pilipinas, ang daming Korean community clusters sa iba’t-ibang parte ng Pilipinas. Sa Cebu, Baguio, Clark, sa Metro Manila. Makikita natin sa mga lugar na ito, may sarili silang grocery at nga eskwelahan. Hindi sila masyadong nakikihalo sa mga Pilipino.
Gusto ng ma Koreano, lalo pa kapag may mga anak na nag-aaral, sa Pilipinas dahil madali sila matuto ng English.
Sa mga tourist spots katulad ng Boracay, maraming malalaking grupo ng Koreano na turista. Grupo sila kapag lumabas (siguro dahil karamihan sa kanila hindi masyadong marunong mag-English), Koreano ang kanilang tourist guide, kumakain sila sa Korean restaurants.
May lumabas na interbyu kay Jasmine Lee sa Korea Joong Ang Daily noong Huwebes at sinabi niyang mas mahirap ngayon ang sitwasyon ng mga dayuhan sa Korea kaysa sitwasyon ng dumating siya 17 taon na ang nakaraan.
Noon daw halos siya lang ang foreigner at natutuwa sa kanya ang mga Koreano. Ngayon maraming hindi magandang mga balita tungkol sa mga dayuhan kaya parang iba na ang tingin ng mga Koreano.
Yan ang gusto niyang iwasto. At sa magandang posisyun siya para makatulong sa magandang pag-kaintindihan ng mga Koreano at mga dayuhan kasama na doon ang mga Pilipino.
It’s good to read more stories about this about our OFWs.
Although we should not sweep under the rug the miserable situation of many of our OFWs.