Ang isyu na ngayon ay hindi lamang rape ng Amerikanong si Lance Corporal Daniel Smith sa 23-taong gulang na Pilipina na alam sa media sa pangalang “Nicole”.
Ito ay nagiging isyu na ng paggalang sa batas at pagpahalaga ng “sovereignty” o kataas-taasang kapangyarihan ng Pilipinas sa sarili niyang teritoryo.
Ito ay isyu na ng integridad.
Ito ay isyu ng obligasyon ng isang lider ng Pilipinas na pangalagaan ang kapakanan ng bawat Pilipino.
Ang isyu na ngayon ay ang kapakanan ni Gloria Arroyo laban sa kapakanan ng bawa’t Pilipino at ng buong bansa.
Nang unang lumabas ang balitang pinatakas (sabi nilipat ngunit ano ba naman ang pinagkaiba sa pinatakas dahil wala namang permiso ang korte) kay Smith mula sa Makati City Jail papuntang US embassy, sabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita, hindi raw alam ni Gloria Arroyo. Sabi naman ni Interior Secretary Ronaldo Puno alam daw ni Arroyo “in principle”.
Lumabas puro kasinungalingan ang kanilang pinagsasabi. Sinubukan nilang lokohin ang mga tao, hindi naman binibili ng madla na hindi alam ni Arroyo.
Ngayon nagsalita na si Ginang Sinungaling ang Mandaraya.Sabi niya, “Humihingi ako ng paunawa sa aksyon na ito na hindi naman maka-apekto sa husiya at batas.”
Sabi pa ni Ginang Singungaling at Mandaraya,”Kailangan naming gawin ito para mahinto ang pagsira ng ating pagsasamaan sa United States, dail sa hindi natin pagsunod ng Visiting Forces Agreement.”
At kapal ng mukha niya, nanawagan pa sa sambayanang Pilipino na suportahan siya.
Naiintindihan ko ang pamahalaang Amerika sa kanilang paggawa ng lahat para ma- protektahan nila ang kanilang citizen. Obligasyon yun ng bawa’t pamahalaan.
Dapat obligasyon rin ni Arroyo na protektahan ang karapatan si Nicole, ang na- rape ng Amerikano.
At mas mahalaga, dapat ipatupad ni Arroyo ang batas ng Pilipinas. Obligasyon niya yun dahil siya ang nakaupo sa Malacañang kahit na inagaw lang niya ang pwestng hawak niya ngayon.
Hindi ganoon ang nangyari. Kasabwat pa siya sa pambabastos ng batas ng Pilipinas. Mano man lamang hinintay ang desisyon ng Court of Appeals. Hindi eh. Dinaan sa lakas.
Nayanig si Arroyo sa pananakot ng Amerika. Sa tayo niya ngayon na buking ang kanyang pandaraya noong 2004 elections, karamihan sa mga Pilipino ay sinusuka siya. Ang mga matataas na opisyal lamang ng military tumutukod sa kanya.
Kaya naturete siya ng nanakot ang Amerika na pati sila ilalaglag siya. Kaya bigay kaagad siya ng gusto ni George Bush.
Ito lahat ay para lamang manatili siya sa kapangyarihan.
Comments are closed.