Tanggap ko na na mahina talaga si Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III bilang administrator ng bayan. Kasama na sa kanyang kahinaan na ‘yan ang pagpili ng mga tao na kasama niya sa pagpatakbo ng bayan.
Ngunit hindi ko akalain na ganu’n siya at ang kanyang mga kasamahan kawalang alam tungkol sa ordinaryong pamumuhay ng Filipino. Dito sa isyu ng tanim-bala, lumabas talaga angkawalan ng kakayahan mamuno ni Aquino.
Isa pa itong si Mar Roxas na kandidato ng Liberal Party (LP) sa pagka-presidente sa 2016. Inindorso siya ni Aquino para raw ipagpatuloy ang kayang Tuwid na Daan. ‘Yung naman ang isinusulong ni Roxas sa kanyang kampanya.
Hindi nakapagtataka.
Noong isang araw, sinabi ni Roxas sindikato raw ang may kagagawan ng tanim-bala sa NAIA na maliban sa perwisyo na binibigay sa mga kawawang biktima ay naging malaking kahihiyan para sa Pilipinas. Kailangan daw mapanagot ang mga may kagagawan nito.
Maganda pakinggan. Kaya lang, bakit ngayon ka lang nagsalita? Mag-iisang buwan na ang isyu at hindi ninyo pinansin ‘yan. Hello??
Sabi ni Press Sec. Sonny Coloma noong isang buwan nang ibinalita ang pagditene sa isang 56 taong gulang na OFW papuntang Hongkong dahil may nakitang bala sa kanyang maleta, na masyado naman daw pinapalaki ng media ang isyu samantalang libu-libo raw ang dumadaan sa NAIA. “Iilan lang naman ang ganitong mga nakitaan ng bala,” sabi niya.