Skip to content

Si Sen. Juan Flavier at ang tatay ni Totoy

Most loved. Sen. Juan M. Flavier.
Most loved. Sen. Juan M. Flavier.
Pumanaw ang isa sa pinakamamahal na opisyal ng pamahalaan, si dating senador at health secretary Juan Flavier noong Huwebes.

Nakakatuwa ang mag-cover kay Flavier dahil sa maliban sa mabait at hindi mayabang, grabe sa galing ng kanyang sense of humor. Tawa kami ng tawa kapag ini-interview namin siya.

Bilang lider ng Philippine Rural Reconstruction Movement, maraming taon na sa mga baryo niya ginugol ang kanyang panggagamot. Ang kanyang karanasan sa pagta-trabaho sa mga baryo ay mababasa sa kanyang libro, “Doctor to the Barrios.”

Sa aking pag-cover kay Flavier ng siya ay health secretary noong administrasyon ni Pangulong Fidel V. Ramos, marami akong kuwento at insidente na buhay na buhay sa aking ala-ala. Ngunit ang isa sa palagi kong ibinabahagi sa iba ay ang kanyang kuwento ng iba’t-ibang paraan nagpapasalamat ang mga tao sa probinsiya (dinadalhan siya ng maraming gulay, manok, kambing at baboy) nang siya ay guest speaker sa Cosmopolitan Church sa Taft Avenue.

Doctor to the Barrios by Juan M. FlavierKuwento niya, meron daw bata, ang pangalan ay Totoy, na natuklaw ng ahas at tinawag siya. Nerbyus na nerbyus ang ina. Wala ang kanyang ama na dating ex-convict dahil nagtatrabaho bilang konduktor sa bus.

Sabi ni Flavier, mukhang hindi naman nakakalason ang ahas na tumuklaw sa bata ngunit ginamot na rin niya. Nakapag-laro ulit kaagad si Totoy at malaki ang pasalamat ng ina.

Sabi ni Flavier, “Sa probinsiya, kapag wala ang ama, at ikaw ang tumulong sa kanila sa oras ng kanilang panganib, Diyos ang tingin nila sa iyo.”

Umuwi daw siya na masaya at nakita niyang kampante na at masaya ang pamilya ng bata.

Kinagabihan, habang nagbabasa siya may malakas na katok sa kanyang pintuan. Nang binuksan niya, tumambad sa kanya ang isang lalaki na malaki ang katawan.

“Saan ang tatay mo?” tanong ng lalaki na mukhang sanggano.

Natakot ang doktor na maliit lang ang pangangatawan.

“Ako po si Dr. Flavier,” ang takot niyang sagot.

Sabi daw lalaki na medyo huminahon ang pagsasalita: “Ako po ang tatay ni Totoy.”

Lalo daw natakot si Flavier dahil ang nasa-isip niya, namatay kaya ang bata nang umalis na siya.

Nagpatuloy daw magsalita ang lalaki: “Maraming salamat sa iyong paggamot sa anak ko. Wala akong maibayad sa iyo ngunit kung merong may magtangka ng masama sa iyo, sabihin nyo lang sa akin.”

Masyado daw naantig ang damdamin ni Flavier. “Itong tao ay ex-convict. Kung gagawa siya ulit ng krimen, sigurado balik Munti siya. Ngunit handa niyang gawin yun para pasalamat sa aking paggamot ng anak niya. “

“Ganyan magpapasalamat ang mga tao sa probinsiya,” sabi ni Flavier.

Maraming salamat din, Sen. Flavier. Palagi naming panatiliin ng buhay ang mga leksyun na aming nakuha sa iyong mga kuwento.

Published inAbanteHealth

3 Comments

  1. chi chi

    Hahahaha!

    Tuwang-tuwa ako sa artikulo mong ito, Ellen. Baryotik na baryotik ang dating ni Doc Flavier, sooooo adorable!

  2. Talaga, Chi. Touched ako, di ba? Enjoy ako sa mga stories ni Flavier.

    Minsan nga kinabagan ako sa kakatawa.

  3. Lurker Lurker

    Mabait at may mababang loob si Sen. Flavier. Pero napakatapang! He took Cardinal Sin and the Catholic populace head on.

    If not for their black prop, the good doctor would have been no. 1 in the polls.

    May he rest in peace and condolences to his family and loved ones.

Leave a Reply