Akala ko ang leksyun na nakuha ni Manny Pacquiao sa kanyang pagkatalo niya sa Mexicanong si Juan Manuel Marquez ay hindi siya superman at dapat na siyang mag-retiro.
Hindi pala. Gusto pa niyang lumaban ulit. Kaya pinag-uusapan na ngayon ang panglimang Pacquiao-Marquez fight. Baka sa Abril daw.
“I am going to rest and come back to fight. I would go for a fifth,” sabi niya sa interview sa kanya sa Las Vegas isang araw bago siya pinatumba ni Marquez.
Naloko na. Gusto yata maging gulay. Anhin niya ang kanyang bilyunes kung gulay naman siya.
Sabi ni Ronnie Nathanielsz, sports analyst, na delikado sa edad ngayon ni Pacquiao (magiging 34 siya sa Disyembre 17) , ang magpapatuloy sa boksing, isang sports na talagang bugbog ang katawan.
Sabi ni Nathanielz kapag tinitingnan niya ang coach ni Pacquiao na si Freddie Roach na dati ring boksingero at ang dating heavyweight champion na si Muhammad Ali, parehong may Parkinson’s disease, natatakot siya para kay Pacquiao.