Nakakapagtaka, nakakaduda at nakakabahala ang hindi pagkabahala ng Commission on Elections sa mga palpak na nagyayari sa bidding ng pag-imprinta ng balota na gagamitin sa 2013 na eleksyun.
Inamin ni Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr. na palpak ang mga balota na ginawa ng Holy Family Printing Corp, ang pinanalo ng National Printing Office sa pag-imprenta ng 55 milyon na balota para sa 2013 na eleksyun.
Dapat kasi sa testing , isang libo na sample ballots ang gamitin. Noong unang test, Septyembre 12, 2012, walo lang ang dala ng Holy Family. Di ba dapat noon pa lang disqualified na sila dahil ibig sabihin nun, nag-bid sila na hindi pala sila handa gumawa ng trabaho na gusto nila kunin.
Hindi ito basta-basta lang trabaho. Balota ito para sa national na eleksyun. Demokrasya ng bansa ang nakasalalay dito.
Ngunit okay lang sa NPO. Sinubukan nila ang walong sample ballot na dala ng Holy Family. Anim sa walo ay hindi nagkasya sa makita na nabili na ng Comelec- ang Precinct Count Optical Scan machines galing sa Smartmatic.
Paano ngayun yun?
Sobra talaga ang bait ng NPO sa Holy Family . Binigyan ng isang buwan para ayusin ang kanilang trabaho.
Nagkaroon ng pangalawang test noong Oktubre 11, 2012. “Isang libong balota ang ginamit at perfect ayun sa report sa amin,” sabi ni Brillantes.
Ang report ng NPO, pito lang daw ang reject sa 1,000 na sample ballots na dala ng Holy Family.
Sabi ng NPO yan dahil wala naman ang ibang bidders sa pagbilang ng mga nakapasa na balota.
Ang problema lang sa pangalawang test ay ibang balota ang ti-nest kaysa yung isinumite sa bidding. Ibig sabihin nun, mali ang mga dokumentong isinumite sa bidding?
Di ba sa bidding rules, dapat mga orihinal na dokumento ang gagamitin sa lahat na tests at mga post qualification verifications? Hindi pwedeng magpalit ka ng proposal kapag tapos na ang bidding at nanalo ka na.
Kung mali pala ang isinumite sa bidding, balit nanalo ang Holy Family? Di ba, kahit nanalo na, kung hindi makapasa sa post qualification verification, dapat magkaroon ulit ng bagong bidding?
Iba na talaga kapag gustong panalunin. Alam naman yan ng mga sanay sa bidding sa pamahalan.
Kaya lang akala natin kasi “tuwid na daan” na ang umiiral ngayon at dapat kung ano ang nasa patakaran, yun ang sundin. Dahil kung magkaroon ng palpak, taumbayan ang kawawa.
Hindi dapat kampante si Brillantes kasi ang balita ko magsasampa ng kaso sa Ombudsman ang mga natalong bidders, ang joint venture ng Advance Computer Forms Inc., ASA Colors at ePDS Inc, ang subsidiary ng Philippine Long Distance Telephone Co., at Smartmatic-Total Information Management laban kay NPO Director Emmanuel Andaya at ibang opisyal ng NPO.
Noong isang araw lang, dinala na sa Sandiganbayan ang isang reklamo laban din sa NPO ng isang private printer sa Cebu, si Guillerno Sylianteng ng Ready Forms, na natalo sa bidding ng accountable forms.
Gumawa daw ng “fabricated emergency situation” ang NPO at ibinigay ang kontrata sa JI Printers.But it was okay with NPO.
Nakakapagtaka na hindi nababahala ang Comelec.
Be First to Comment