Skip to content

Paano gumamit ng malong at iba pa mula kay Aliah Dimaporo

Inimbita kami noong isang buwan ni Rep. Aliah Dimaporo para sa isang “getting-to-know you” na tanghalian.

Tinanggap ko kaagad ang imbitasyun dahil bumoto siya para sa amnesty sa mga sundalong lumaban kay Gloria Arroyo kahit na siya ay miyembro ng Lakas-NUCD ni Arroyo. Lalo pa ang kanyang Nanay, si Rep. Imelda Dimaporo ng unang distrito ng Lanao del Norte ay bumuto laban sa amnesty para sa mga rebeldeng sundalo.

Hindi ko siya masyadong nakita noon dahil umalis siya kaagad pagkatapos niya napaliwanag ang kanyang boto. Nilalagnat pala siya noon, sabi niya.

Sa litrato, tinuturuan kami dito ni Aliah paano gumamit ng malong.Parang patadyong din sa amin sa Antique.

Sumulat ang aking kaibigan na si Gypsy Baldovino, ang media officer ni Rep. Gina de Venecia, na kasama namin sa pananghalian sa bahay ng mga magulang ni Aliah tungkol sa okasyun.

Ito ang sinulat ni Gypsy:

“ Sa gitna ng kabi-kabilang balita tungkol sa mga ambush sa Mindanao, nag-anyaya ng isang salo-salo ang magandang kongresista mula sa ikalawang distrito ng Lanao del Norte, na si Aliah Dimaporo, upang ipagmalaki ang mayamang kultura ng mga Maranao (tawag sa mga taong naninirahan sa Lanao).

“Kumbinsido si Aliah na kailangang ipaglaban ang kakaibang halina ng Mindanao bilang pangontra sa mga negatibong balita na pumipigil sa tuluyang pag-unlad nito.

“Si Aliah ay maituturing na ‘product of peace.’ Noong araw, talagang nagpapatayan pala ang partido ng kanyang magulang na sina Rep. Imelda Quibranza at dating Congressman na si Abdullah Dimaporo, pero dahil sa pag-ibig, naputol ang hidwaang ‘yon at ngayon ay payapa na ang kanilang lugar.

“Dahil dito, tiwala si Aliah na makakamit din ng Mindanao ang kapayapaan sa tamang usapang pangkapayapaan, kasabay ng pagpapaunlad ng rehiyon.

“Ito ang dahilan kaya naglunsad si Aliah ng kampanya para ipagmalaki ang mayamang kultura ng Lanao. Tinuruan pa niya kami kung paano gamitin ang malong, isang “tube skirt“, na puwedeng gamitin ng babae at lalaki. Katulad ito ng sarong ng Malaysia, na may makukulay na disenyong ‘okir.’

“Ayon kay Aliah, puwede rin daw itong gawing duyan, damit, kumot, bedsheet, sunshade, ‘dressing room’, prayer mat at damit-pantulog. Pero nakalulungkot man, ang mga nabibili pala nating malong sa merkado na may digital designs ay nagmula sa Indonesia.

“Sa pamamagitan ng ginagawa n’yang awareness campaign, umaasa si Aliah na magkakaroon ng bagong demand para sa mga orig na malong na hinahabi ng mga Maranao, Maguindanao at Tiboli weavers.

“Naghanda rin sya ng masasarap na mga putaheng Maranao, gaya ng kuning o yellow rice, piaparan (ginataang manok), gatang karne (ginataang baka na may katas ng luya at gata ng niyog), rendang (baka na nilahukan ng kamatis at binusang niyog), at siyempre, mawawala ba naman ang sugbang panga at tinolang maya-maya.

“Bago naging kongresista si Aliah ay nanirahan sa New York City bilang Executive Director ng World Youth Alliance, pero hindi niya nalimutan ang sariling bayan at likas-yaman nito. Katunayan, dalawa sa kanyang bills ay tungkol sa preservation ng Mt Inayawan rainforest sa Lanao del Norte dahil tahanan ito ng Philippine eagle at ang pagpigil sa walang-habas na paghuli sa rays at sharks para manatiling balanse ang marine ecosystem.

“Bilang mukha ng kabataaang Muslim, natutuwa kami sa sigasig ni Aliah na mapaunlad ang likas na yaman ng kanyang rehiyon.”

Published inAbanteArts and CultureMindanao

8 Comments

  1. MPRivera MPRivera

    dimaporo clan. political warlords kahit noon pang panahon ni apo macoy.

    ang kainaman lamang sa angkang ito ay HINDI sila katulad ng mga ampatuan na halang ang mga kaluluwa at walang pinipili kahitinosenteng madadamay sa pagsasakatuparan ng makahayup nilang hangarin.

    ang masama nga lamang ay sumama sila sa administrasyon ng ISINUSUKANG si gloria makapal ang mukha arroyo.

    maaaring ang pagsusulong ni aliah ng mga hakbangin upang lalong mapagyaman at makilala ang kulturang maranao ang siyang puputol sa naging kaugalian at paniniwala ng kanilang tribu na hindi sila dapat mahaluan ng ibang uri ng pananampalataya (kahit katulad nilang muslim maliban sa kapwa maranao) katulad noon kung saan ang pinapayagan lamang ay ang kalalakihang maranao na makapag-asawa ng hindi nila katulad sa pananampalataya.

  2. MPRivera MPRivera

    ang pagsusuot ng malong ay hahawakan katulad ng unang larawan ni aliah at pagkatapos ay itutuping hati sa gitna (right over left and left over right o vice versa) saka isusuksok sa bewang ang isang dulo.

    meron pang isang katulad naman ng sinusuot ng mga insik na kung tawagin namin sa taosug ay saw’wal. parang oversized na padyama at ang pagtupi ay katulad din ng malong.

  3. patria adorada patria adorada

    noong maliit pa ako,ang lola ko na taga bicol at naninirahan sa bicol ay nagsusuot ng ganyan.

  4. Isang inspirasyon ang kwento ng buhay ni Aliah at iyan dapat ang mga istoryang lumulutang sa media. Hindi lagi yung may dinukot na si ganito, may pinugutan na si ganyan, baka yan na ang susi sa pangmatagalang kapayapaan.

  5. Pambihira ka Magno, isa ka palang Tausug na Batangenyo, hirap na kumbinasyon ah.

    Paano kaya kung mag-usap yung dalawa?

    Tausug: Maunu-unu nakaw?
    Batangenyo: Nakow, ka-mura naman ni-yang pauno-uno la-ang e, nakaw pa. Aba’y pados-dos dapat, hane? lol.

  6. Ang batik ng Malaysia ay isang major industry para sa mga kanayunan nila at patok sa mga turista. Kilala na ito sa buong mundo at minsan kong napanood na ginamit sa NY Fashion Week. Pero kung meron mang kaparehong produkto sa Mindanao, sino’ng turista ang pupunta doon kung puro gyera ang balita. Sa Malaysia na lang ako. Duda ko, talagang may kinalaman diyan ang Malaysia baka siguro hamak na mas maganda ang Mindanao.

  7. Aliah studied B.S.Sociology at the Mindanao State University.

    She said her parents and grandfather sent her to MSU for her college studies because they felt she was becoming too foreign to the Muslim culture because she spent her elementary and highschool studies at Brent International School.

    She said she resented being at MSU at first but later on loved it.

    She is now taking her Master’s degree on Sustainable Agriculture and Rural Development under the University of London Distance Learning Programme.

  8. She reminds me of Queen Rania of Jordan. Although born to Palestinian parents, she studied in an American school in Egypt. Her stunning beauty, intelligence, and tempered liberal attitude makes her effective at promoting her pro-education advocacy and the Millenium Development Goals. She is very visible in the society pages in Europe and Africa. Her website: http://www.queenrania.jo/

Leave a Reply