Skip to content

Damay sa chop-chop

Magkahalong sindak, takot, habag, lungkot at galit ang aking naramdaman sa balitang may nadiskubreng pinagputol-putol na katawan sa Jeddah at maraming Pilipino ang dinampot kaugnay ng krimen.

Nabalita rin na anim na Pilipino sa Saudi ang nai-report na missing. Hindi pa nakumpirma kung ang mga nakitang chop-chop na mga bangkay ay mga katawan ng nawawalang Pilipino.

Sobra raw 50 na OFW ang nadampot at iniimbistigahan kaugnay sa krimen. Ayon sa balita pito raw ang umamin ng kasalanan.
Ayon sa mga kakaunti na impormasyon na lumalabas sa balita, mukhang masalimuot at kumplikado ang kaso. May anggulo ng droga at lottery.

Kung sino man ang may kagagawan ng krimen, dapat maparusahan. Siguro naman sa kadami-daming dinampot ng mga Saudi pulis, karamihan doon ay inosente. Sa kanila ako mas nag-alala.

Sa batas raw ng Saudi, ang isang suspek sa krimen ay maaring makulong ng 60 na araw na inkumonikado. Ibig sabihin, hindi siya makaka-usap ng kanyang kamag-anak, kaibigan, abogado o opisyal ng Philippine embassy.

Sabi ng Department of Foreign Affairs, nilalakad raw nila na mapalaya na ang hindi naman sangkot at nadampot lang dahil natyempuhan lang ng nagdadampot ang mga Saudi pulis pagkatapos madiskubre ang chop-chop na mga katawan.

Kung dito lang sa atin, nakakabahala ang makulong ka na kahit isang araw lang na walang kontak sa iyong mga kamag-anak at abogado, lalo pa kaya doon sa Saudi na hindi mo alam ang kanilang salita, iba ang kanilang batas at wala ka namang maasahan na mga kamag-anak o kaibigan na mag-follow up ng kaso mo habang na sa loob ka ng kulungan.

Ang nakakatakot pa ay kung ano ang kundisyon ng kulungan at kung sino-sino ang kanilang mga kasama. Baka kakaibang krimen ang mangyari doon.

Ang mga opisyal ng ating embassy sa Saudi ay ingat na ingat sa pakikiusap sa mga awtoridad ng Saudi dahil may tinitimbang rin na ibang bagay. Umaabot ng isang milyon ang mga Pilipino na nasa Saudi. Kaya malaki ang utang na loob ng Pilipinas na Saudi na nagbibigay ng trabaho sa mga Pilipino.

Dapat sana hindi natin tingnan yan na utang na loob dahil may kapalit naman na serbisyo ang binabayad sa mga manggagawang Pilipino. Sabi nga ang iba, kung bigla na lang mag-alsa balutan ng amga Pilipino sa Middle East, mahihinto ang serbisyo ng maraming ospital, airport, kumpanya ng konstruksyon at iba pa.

Siyempre hindi mangyayari yan dahil, paano naman uuwi ang mga Pilipino dio sa Pilipinas. Wala namang trabahong mauwian. Gutom ang labas nila dito.

Alam natin lahat na ang pinagmalaking “magandang ekonomiya” ni Gloria Arroyo ay dahil sa pawis at dugo ng OFW. Sobra walong milyon Pilipino ay OFW at ang kanilang mga padala na umaabot sa $11 bilyon ay ang sumusuporta sa ekonomiya.

Kapag nagyayabang si Arroyo ng malakas na pesos bilang patunay na magaling raw siya magpalakad ng bansa, hindi niya iniisip na ang pagdami ng OFW ay patunay na bagsak na ekonomiya. Bakit pupunta sa malayo ang Pilipino para magtrabaho? Dahil walang makuhang trabaho dito.

Itong chop-chop na krimen sa Saudi ay nagpapakita na hindi paraiso ang buhay ng OFW sa ibang bansa.

Published inWeb Links

30 Comments

Leave a Reply