Mga dalawang linggo na umu-ugong na kikilos na raw ang military laban kay Gloria Arroyo. Ngunit lalong lumakas ang ugong noong Linggo.
At nabalita nga noong Lunes na nadiskubre raw ng military ang plano. Isang heneral at apat na colonel raw ang pasimuno.
Maala-ala nating noong isang buwan, ibinulgar ni Sen. Miriam Santiago itong plano ng mga kalaban ni GMA. Last attempt raw bago matapos ang taon.
Maaring totoo. Maari ring pakulo lang ng Malacañang. Ang problema ng Malacañang sa ganitong balita ay hindi basta-basta naniniwala ang tao sa kanila. Dahil nga dalas ng kanilang pagsisinungaling, hindi na naniniwala ang taumbayan sa pinagsasabi ng Malacañang at ng military.
Para bang “boy who cried wolf.” Nangyari na ito bago ang 1986 People Power. Nadiskubre nina Marcos at Gen. Fabian Ver ang coup plot. Ipinakita pa ni Marcos sa TV ang mga nahuling sundalo, kasama doon si Dick Morales. Hindi naniwala ang taumbayan dahil katulad ni Arroyo ngayon, wala ng kredibilidad si Marcos noon.
Ganyan ang nangyayari ngayon. “Coup me”, sabi ng ilan sa balita noong Lunes. “Bomb me” ang sabi rin ng iba tungkol sa halos sabay-sabay na pasabog ng bomba-bombahan noong isang linggo habang ginigisa ng mga congressman si dating Comelec Commissioner Virgilio Garcillano.
Pinagyayabang ni Army Chief Hermogenes Esperon na kung kikilos ang mga anti-Arroyo sa military, dudurugin nila. Ang balita namin, ang maiinit laban kay Arroyo ay mga batang opisyal, mula tenyente hanggang colonel.
Sabi ng aming source, hindi naman raw hinihingi ng mga militanteng sundalo na sumanib sa kanila ang mga matataas na opisyal. Kinakausap lang raw nila na huwag na lang silang kumilos.
Hindi problema ng mga militanteng sundalo ang lumabas sa survey na 40 porsiyento ng Pilipino ayaw ng coup dahil nandoon rin sa survey na 80 porsiyento ng taumbayan ay ayaw kay Arroyo. Alam nilang kung may coup na magaganap, hindi kikilos ang karamihan sa mga tao para depensahan siya. Manonood lang at maghintay kung sino ang mananalo.
Sabi pa ng aming source, nakalatag na ang organisasyon ng coup. Kaya raw itong mga “coup-me’ na pakulo ng Malacañang ay bitag para smoke-out o malaman kung sino-sino ang mga totoong coup leaders. Siyempre alam rin ng militanteng sundalo yun. Kaya may mga kontra pakulo rin sila. Nagpapakiramdaman.
Mukhang kabado ang Christmas ni Arroyo ngayon.
mas maganda siguro withdrawal of support…
umiba ang ihip ng hangin…
Mukhang may gumagalaw.Hindi natin alam kung saan nanggagaling. Let’s keep our eyes and ears open.Maganda ang statement ni Gen. Abat.(I’m posting it here.) Kahit hindi ka bilib sa kanyang style, I agree with the sentiments.
The hottest place in hell is reserved for those, who in time of real crisis, remain neutral.