Skip to content

Month: November 2005

Ang teleserye ng totoong buhay

Noong linggo ng gabi, pinanood ko ang Pinoy Big Brother kung saan may interview sa audience kung sino ang gusto nila ang hindi ma-eliminate sa dalawang housemate na nominate ng kapwa housemates na alisin, si Jason o si Sam.

Kilig na kilig ang mga fans ni Sam. Nang tanungin kung ano ang gusto nila sa Close-up model, ang masasabi lang nila ay, “Guapo siya!”

Sa mga gusto naman na si Jason ang manatili sa Bahay ni Kuya, ang sabi nila ay, “May pamilya siya at mas kailangan niya ang pera.”

Lumalabas sa mga sagot ang mga bagay na binibigyan halaga ng Pilipino. Katulad ng pisikal na kaanyuan. Bilib tayo sa guapo. Kung sabagay, maliban sa guapo, mabait naman si Sam. May pagkamahiyain nga.

At mahalaga rin sa atin ang pamilya. Si Jason ay may asawa at anak at tingin ng marami parang katulad rin nila siya .

Ang mga nauna sa atin

Ang nanay ng aking kaibigan na si Chit Estella, editor ng PJR Reports, ang magasin ng Center for Media Freedom and Responsibility, ay pumanaw noong isang linggo sa Philippine Heart Center.

Sabi ni Chit, mga ilang oras raw bago pumanaw ang kanyang, ina nagkukwento siya tungkol sa kanyang mga yumaong kamag-anak. Para bang sinusundo siya.

Ganoon rin ang Nanay ko noong maysakit siya. Tuwing ma ika-anim ng gabi, palagi niyang kausap ang kanyang mga yumaong kapatid. Sinasabi niya, “Halika. Nagkapag-saing ka na ba?” O kaya sabihin niya, “Ayaw ko pumunta sa tabing dagat.”

Wala ako sa tabi ng nanay ko nang siya ay namatay ngunit sabi ng aming katiwala, sinasabi raw niya sa kanyang yumaong kapati, “Hintayin mo ako.”